Proklamasyon, Kontra-Proklamasyon
Nang ideklara ang Batas Militar noong 1972, nakuha ni Ferdinand Marcos ang kontrol sa midya. Dito isinulong ang kanyang propagandang "Bagong Lipunan." Nang mapatalsik ang rehimen noong 1986, nahayag din sa wakas ang mga kuwentong sinupil nito.
Itinatanghal sa eksibit na pinamagatang "Proklamasyon, Kontra-proklamasyon: Mga Diskursong Midya hinggil sa Batas Militar" ang mga artikulo ng balita, litrato, video, at karagdagang materyales na naglalarawan ng pananaw ng midya sa Batas Militar.
Ang ilan dito ay mula sa panahon mismo ng diktadura. Ipinagtatanggol ng mga ito ang kalinangan at kalagayan ng bansa. Ang iba naman ay mga kontra-pahayag laban sa mapang-api at marahas na aspeto ng ating kasaysayan matapos ang Batas Militar.
Layunin ng eksibit na labanan ang maling impormasyon at ang sadyang pagbaluktot sa kasaysayan ng mga nasa kapangyarihan.
Dalawang artikulo ang isinulat nina Andres Cristobal Cruz, Adrian E. Cristobal, at Rita G. Balthazar sa Fookien Times Yearbook 1972. Inilahad ng dalawang manunulat, na katuwang noon ng rehimen, ang mga katuwiran at pangangailangan sa pagpapatupad ng Batas Militar.
Baluktot ang Bagong Lipunan. Taliwas sa pangakong kaunlaran, nagdulot ito ng malawakang pagkawala ng buhay at kabuhayan sa mga sakahan. Ang mga kababaihan ay inapi at pinagsamantalahan, habang ang mga katutubo tulad ni Macli-ing Dulag ay pinaslang dahil sa kanilang pagtutol.
Ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ay maliwanag sa Samar at Negros. Sa Mindanao, kaliwa't kanan ang mga masaker sa mga moro. Ang kabataan, sa pagsalungat sa mga kawalang-katarungang ito, ay kumilos laban sa rehimen.
Dahil dito, lumitaw ang alternatibong midya upang hamunin ang kontrol ng gobyerno sa impormasyon, na may pagtuon sa paglalantad ng katiwalian at pang-aabuso. Naging kasangkapan ang mga rebolusyonaryong pahayagan para sa pagtalakay at pagsusuri sa mga isyung pampulitika, gayundin sa pagtataguyod ng mga anyo ng pagkilos at armadong paglaban.
Pagkalipas ng limang dekada, tuloy pa rin ang pakikibaka hanggang sa pamumuno ng anak ng diktador. Nagpapatuloy pa rin kasi ang pagbaluktot sa kasaysayan at kahalagahan ng 1986 EDSA Revolution, kasabay ng oba pang banta sa demokrasya.
Ang itinanghal na eksibit sa lobby ng Bulwagang Palma mula Pebrero 20 hanggang 29, 2024, ay nagpakita ng nagpapatuloy na pagsasalaysay ng pang-aapi, sa kabila ng mga tangkang panunupil ng diktadura. Paalala ito ng panatang patuloy na kumilos upang maiwasang maulit ang mga kalupitan ng Batas Militar at diktadura.
Source:
Exhibition notes.
Published in University of the Philippines (UP) social media accounts.